Ang pag-“push” sa industriya ng K-pop at ang kaugnay nitong kultura at nabubuong subkultura.

I. Introduksyon sa Impluwensya ng K-pop

Introduksyon

Kung Pilipino ka o kaya naninirahan ka sa Pilipinas, marahil nakarinig ka na at kabisado mo na ang mga “buzzword” na may nakadugtong na letrang “K”, na nilalamon ngayon ang masa. Sa pagkasabi nito, may posibilidad din na nilalamon ka na rin ng mga “buzzword” na ito nang hindi mo nalalaman. Baka sakaling paborito mo na ang kimchi o ang mga patok na “All-you-can eat-BBQ.” Posibile ring ang nasa ilalim ng mga “buzzword” na iyon ang bago mong sabon o pampaganda. At panghuli, posible ring baka nasa ibang wika ang tinatangkilk mong teleserye. Kung hindi mo pa nahahalata, ang “buzzword” na iyon ay maaaring maging kahit anong bagay o produkto na galing sa letrang “K” na Korea.

Marahil nasa anyo ito ng pagkain tulad ng nabangit na kimchi at “All-you-can-eat Korean Barbecue.”

samgyupsal

Sa anyo ng pampaganda o ang kahit anong produkto para sa inyong mukha at katawan.

O sa anyo ng palabas na may kakayahang paiyakin, o pakiligin ka.

Ngunit, higit sa lahat, dapat pamilyar ka na sa anyo nito sa musika o ang K-pop na patok na patok ngayon, hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi pati na rin sa buong mundo.

Screen Shot 2018-11-18 at 6.24.31 PM

Maikling Kuwento tungkol sa Hallyu Wave

Batid ng Korean Cultural Center ng Pilipinas, bungga ng “Hallyu Wave” ang pag-usbong ng pagtatangkilik sa K-pop. Isang terminong nangangahulugang ‘alon mula sa korea’ ang “Hallyu Wave” na tumutukoy sa pagtaas ng kasikatan ng mga koreanong produkto sa buong mundo. Nagsimula ang alon na ito noong 1990s nang bumuo ng isang diplomatikong relasyon ang Korea at ang bansang Tsina. Dahil sa relasyon na ito, ipinalabas sa Tsino ang ‘What is Love?’, isang Koreanong teleserya na nakakuha ng “audience rating” ng 4.2% na ibig sabihin mahigit isang daan at limapung milyong tsino ang nagnood nito. Naging popular din ang musika, lalo na ang musikang pansayaw, sa mga Tsinong binatilyo noong pinakilala ang dyanra sa radyo noong 1997. Batid muli ng Korean Cultural Center, naging mahalaga rin ang pagkaroon ng konsiyerto ang Koreanong bandang H.O.T. sa Beijing Workers Gymnasium noong taong 2000. Dahil diyan, lalong sumiklab ang “Hallyu Wave” sapagkat nagkaroon ng maraming ulat sa dyaryo ang konsiyerto. Diyan din naitatag ang terminong “Hallyu” dahil ang mga koreano mismo ang pumansin at kinilala ang kakaibang pagtangkilik na iyon.  Mula roon, pumasok naman ang “Hallyu Wave” sa bansang Hapon sa anyo ng isa pang teleserye at pagkatapos noon, tuluyan nang kumalat ang kulturang Koreano sa buong mundo.

Kasikatan sa Pilipinas at sa “Social Media”

Sa kasalukuyan, parte na ng pangaraw-araw na pananalita ng mga Pilipino ang K-pop. Isa sa mga unang pag-usbong ng K-pop sa Pilipinas ang babaeng banda na Wonder Girls sa kanilang kanta na ‘Nobody’ na kumalat pati na rin sa Estados Unidos. Sa tagumpay ng kanta, naging unang Koreanong banda na makapasok sa Billboard Hot 100 ang Wonder Girls. Sumiklab muli ang K-pop sa Pilipinas noong 2012 at 2013 nang sumikat ang kantang Gangnam Style at Gentleman ni Psy, na kagaya rin sa Nobody, sumikat sa buong mundo. Bukod sa simpleng pakikinig ng mga mamamayang Pilipino sa mga kantang iyon, tanda rin ng kasikatan ng mga kantang iyon ang paggamit o ang pag-iba ng mga lyriko nila upang makabuo ng “jingle” upang sa mga kampanya. Ginamit ng isang politikong si Lito Dela Cruz ang Nobody upang mangampanya sa La Union noong 2010 habang ilang politiko rin ang pinagalitan dahil ginamit nila ang mga kanta ni Psy nang walang lisensiya o pahintulot. Pinapakita ng pag-iiba ng mga lyriko na iyon ang kanilang kasikatan sapagkat mga kilalang kanta lamang ang ginagamit bilang “spoof” upang mangampanya. Kahit na laos na ang mga kanta na ito, mahalaga pa rin sila dahil binuksan nila ang daanan para sa K-pop, hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi pati na rin sa buong mundo.

Sa pagdaan ng mga taon, lumaki nang lumaki ang kasikatan ng K-pop. Isang dahilan dito ang paggamit at pagtuon sa “social media” at ng mga publikasyon ng mga tinatawagang na pangatlong henerasyon ng mga Koreanong banda tulad na BTS, Twice at Exo. Makikita ang bisa ng pagtutuon na ito sa isang pag-aaral na isinagawa ng Forbes Magazine at ng Next Big Sound, mga kumpanyang nagsusuri ng datos. Sa pag-aaral na iyon, ipinakita ng Forbes na higit na pinag-uuspan ang bandang Koreano sa “social media” kumpara sa mga popular na kanlurang artista tulad ni Taylor Swift at ni Justin Bieber.

Screen Shot 2018-11-18 at 9.44.48 PM.png

Batay sa datos mula sa Next Big Sound, kung titignan ang laki ng “followers” at ang pag-“mention” sa Twitter ng mga kanlurang artista lamang, mayroon statistikong ugnaya ito na kung ganito kalaki ang numero ng tagahanga nila, maaasahan mo na may ganyan karaming “mention” sila sa Twitter.  Ngunit, kung ikukumpara ang correlasyon ng mga kanlurang artista sa parehong corelasyon ng mga Koreanong banda, talong-talo ang mga kanlurang artista.

Screen Shot 2018-11-18 at 9.45.55 PM.png

Sa talangguhit na ito,  kung tatandaan ang dami ng mga “followers” sa Twitter, makikita na higit na pinag-uusapan ang mga Koreanong banda sa Twitter kumpara sa mga kanlurang artista. Bagamat hindi tinatanggal ang mga “mention” na minamaltrato ang mga artista, hindi ito dapat binibigyan pansin dahil publisidad pa rin iyon para sa mga Koreanong banda makakatulong sa kasikatan nila.

Ang Problema ng Pagmamalabis

Subalit pagkatapos ng lahat ng aking sinabi, nagkaroon din ng malisya ang kasikatan ng “buzzword” na K-pop sa anyo ng pagmamalabis; na inuuna pa ng mga tagahanga ang paghanga at pagsuporta sa kanilang mga idolo bago ang lahat. Para sa akin, mahahati ang pagmamalabis na ito sa dalawang klase.

Una, ang pagmamalabis na kinakalimutan ang tamang ugali laban sa ibang “fandom”. Sa pagmamalabis na itong dahil sa dedikasyon sa pagsuporta ng mga tagahanga sa kanilang mga idolo, minamaltrato nila ang mga idolo ng iba upang iangat ang sariling idolo. Hindi kinakailangan na galing K-pop din ang kalabang idolo, basta mahahalintulad siya laban sa idolo ng nagmamalabis. Karaniwang makikita ang pagmamaltrato na ito lahat ng plataporma ng “social media” partikular sa Twitter na mas karaniwang makikita ang pagbabangayan ng dalawang “fandom”.

Halimbawa:

Screen Shot 2018-11-18 at 9.48.41 PM

Isa itong isyu sa komunidad ng mga tagahanga ng K-pop sapagkat alam din ng isang “fandom” na may kamalian ibang miyembro nila. Sa sobrang lala ng isyu, nangyayari rin ang pag-aaway sa loob ng isang bandang nagtatapatan ng mga nagmamalabis ang miyembro laban sa miyembro.

Halimbawa ng kamalayan sa pagiging “toxic”:

Pangalawa naman, ang pagmamalabis na kinakalimutan ang tamang kaugaliang hindi laban sa ibang “fandom.” Sa pagmamalabis na ito, walang tapatan ang nangyayari. Imbis, simpleng paghanga ang mga nagmamalabis sa kanilang idolo, ngunit, sa paraang hindi etikal o wasto. Kadalasan nangyayari ito sa pamamagitan ng pag-”spam” ng mga paskil na wala namang kinalaman sa K-Pop. Kadalasan din, bastos itong ginagawa. Isang hindi pa natatagalang halimbawa ito ang mga bastos na pagtugon sa mga paskil tungkol sa pagkakamatay ni Stan Lee.

Screen Shot 2018-11-18 at 9.52.38 PM

Karagdagang halimbawa: https://twitter.com/insomital/status/1062078601615556608

Dagdag din sa ganitong klaseng pagmamalabis ang mga pagkakataon na nagkakamali ang mga tagasuporta at nagmumukhang tanga.

Screen Shot 2018-11-18 at 9.54.00 PM.png

Ang dalawang klase ng pagmamalabis na ito ang kadalasang dahilan kung bakit tinatrato ang mga K-pop “fandom” bilang mga tanga, “toxic” o pati na rin, kanser. Kahit na sa katotohanan hindi naman lahat ang bastos o “toxic”, minamaltrato nang pangkalahatan ang mga fandom dahil sa mga maling gawa ng iilan. Ngunit, may dahilan kung bakit nagmamalabis ang mga tagasuportang ito na nakaugat sa pagmamalabis sa loob ng industriya ng K-pop mismo.

 

II. Politikal na Perspektibo

Pagmamalabis sa Loob ng Industriya

Makikita ang pagmamalabis sa K-pop sa paraan ng pagtingin sa industriya mismo, kung paano ito itinayo at paano ito gumagana sa kasalukuyan. Sinabi ni Leung (2012) na isa si Lee Soo Man sa mga tagapanguna sa industriyang K-pop. Siya rin ang nagpatayo ng SM Entertainment noong 1989 at naging matagumpay ito dahil sa kanyang mga estratehiya sa pag-sarbey. Noong bago pa lamang ang pagsikat ng K-pop, may isinagawa siyang pag-aaral na nakatuon sa mga dalaga upang malaman ang kanilang mga kagustuhan sa musika at mga idolo. Kaya naman sa pangangalap nila ng mga kandidatong pang-artista sa industriya, magagawa nilang mapatugma ang kung ano man ang ninanais ng kanilang mga tagapanood. Naging matagumpay ang estratehiyang ito sapagkat  sa kasalukuyan, isa na sa pinakakilalang kumpanya sa South Korea ang SM Entertainment.

Makikita rin ang pagmamalabis sa mahabang proseso ng pagpili sa mga idolo na ipagsasanay at sadyang marami pa ang kanilang kailangan matutunan bago sila magkaroon ng “debut” o makagawa ng sarili nilang pangalan. Una, sinusuri ang mga “audition” nila kung tinataglay ba nila ang hinahanap na kagandahan, kahuyasan at iba pang pamantayan ng pagpili ng kumpanya. Kung napili sila, dadaan pa sila sa pagsasanay na, minsan, umaabot ng iilang taon. Sinasabi sa pananaliksik ni Jolin (2017) na sadyang mataas ang “training costs” o ang mga gastos sa pagsasanay para sa mga artista na ito sapagkat babawasin na lamang ang sweldo nila kapag mayroon na silang sariling kità. Sa isang panayam ng SM Entertainment, ibinunyag nilang mahigit dalawa at kalahating milyong dolyar ang ginagastos nila sa pagsasanay ng bawat miyembro ng grupong Girls’ Generation na may kabuuang siyam na miyembro. Binubuo ang mga gastusin na ito ang gastos ng pamumuhay at ang pambayad para sa mga choreographer, vocal coach, dance instructor, language instructor, at iba pa.

Karaniwang umaabot ng ilang taon ang buong proseso ng pagsasanay na ito. Minsan din, dokumentado ang proseso na ito para makapanood ang mga tagasubaybay ng industriya. Sa pagpapakita ng mga hirap at pagsisikap ng mga artista, mas nauunawaan ng madla ang industriya at nakikita nila kung gaano karaming oras at pagod ang inilalaan ng mga artista para rito.

Screen Shot 2018-11-18 at 5.07.29 PM

 

Opresyon sa Industriya

Ngunit, mayroon ring kadiliman ang pagmamalabis sa produksyon ng industriya na makikita sa pang-araw araw na pamumuhay ng mga artista. Ipinapakita nito ang kanilang mga tungkulin sa grupo o kung ano ang kanilang kontribusyon para sa grupo. Ayon kay Leung (2012), bago pa man sumikat ang grupong Big Bang, nagkaroon sila ng sarili nilang dokumentaryo kung saan ipinakita ang kanilang mga pagsasanay at araw-araw na pamumuhay. Naipakita ng dokumentaryo kung gaano katagal silang nagsikap upang magkaroon ng “debut” at kung gaano kahirap ang pag-aayos nila sa sarili nilang reputasyon para maipakita sa mga manonood ang pinakaperpekto at pinakakaakit-akit na imahe ng grupo.

Nakakadagdag din sa hirap na dinaranas ng mga artista ang mga inaasahan ng kumpanya nila sa kanila. Dahil magastos ang proseso ng pagsasanay sa kanila, itinuturing silang “investment” o puhunan na magbabalik sa kumpanya sa oras na maging sikat na sila.

Dahil sa mga proseso na ipinakita sa dokumentaryo tungkol sa industriya ng K-pop, nasulyapan ng masa ang mga kahirapan sa produksyon na pinagdadaanan ng mga artista. Dahil dito, nagkaroon ng kontrobersiya ukol sa K-pop at sa opresyon na dinaranas ng mga nasa industriyang ito.

Ayon kay Williams (2011), mayroong aspeto rin ang K-pop na hindi kaakit-akit dahil may mga kontrobersya at mga ligal na pagtatalo sa paraan ng pagtrato sa mga artista. May mga kaso laban sa mga iba’t ibang kumpanya na galing sa sarili nilang mga artista dahil nakakaramdam sila ng opresyon at maling pagtrato sa kanila ng kumpanya. Mayroong isang kaso na sumikat noong 2009 tungkol sa grupo na TVXQ laban sa kanilang kumpanyang SM Entertainment dahil sa umanong pagmamaltrato ng kumpanya sa kanila. Masyadong mahaba at mahigpit daw ang kontrata nila at sa kabila ng kasikatan nila, halos wala silang kità dahil sa mga binabawas ng kumpanya.

Bukod pa rito, sa oras na maging mga “idol” na ang mga artista sa K-pop, lalong nadadagdagan ang kanilang mga tungkulin. Kinakailangan na nilang bumisita sa mga “variety show” at lalong magpakilala sa mga tagahanga nila. Kasama na rin sa kanilang mga tungkulin ang mga patakaran ng pamumuhay na kailangan nilang sundin katulad ng mga limitasyon sa paraan ng pananamit, pananalita, pagkilos, at iba pa.

Sa kasalukuyan, wala pang masyadong nagbabago sa kalagayan ng industriya ng K-pop. Kung tutuusin, maraming nangyari sa nakaraang mga taon na nagpapakita ng paglala sa opresiyon na dinadanas ng mga artista sa industriya. Ayon kay Wong (2018), naging mas matindi na ang kumpetisyon sa industriya ng K-pop. Kinakailangan na ng mga artistang bantayan ang mga “music charts” sa lokal at sa global na lente at sa halip na suportahan ang kapwa nilang artista, tinuturing sila bilang karibal sapagkat nagiging pasikatan at paramihan ng mga tagahanga ang industriya.

Noong 2017, nagpakamatay ang isang artistang si Kim Jong Hyun. Subalit malungkot ang pangyayaring iyon, nagsilbing palatandaan ito na masyado nang nagiging malabis ang mga nararanasan ng mga artista sa industriya ng K-pop. Dahil sa trahedyang ito, napagtanto ng mga tagasubaybay ng industriya ng K-pop na maraming mga paghihirap ang hindi naipapakita ng media at dahil sa hirap ng industriya, nagkukulang ang mga artista ng oras at pagkakataon na alagaan ang kanilang sarili.

Screen Shot 2018-11-18 at 3.43.44 PM

Pagtanggap sa Industriya

Ngayong natukoy na ang patuloy na paglawak ng industriya ng K-pop, paano nga ba ito tinatanggap ng mga madla o paano ba nagbabago ang kanilang mga persepsyon sa mga nangyayari sa industriya sa kasalukuyan?

Ayon kay Leung (2012),

“Consumption of music is entangled with the consumption of persona, image, and spectacle.”

Nakikita ito sa pagkonsumo ng K-pop kung saan ibinabatay ang pagtangkilik sa kung sino ang nasa industriya, ano ang imahe o reputasyon na ipinapakita nila, at kung natatangi ba ang kanilang mga ginagawa.

Sinabi rin ni Howard (2011) sa kanyang libro na nagsimula ang Korean Wave o tinatawag na Hallyu Wave sa Asia at pinalawak sa mas malaking espasyo sa pamamagitan ng distribusyon nito sa ibang bansa.

Dahil sa mga panibagong paraan sa pag-abot ng mga uri ng distribusyon, nakabubuo ng mas malalim na pag-unawa ang mga tagapanood tungkol sa industriya at sa kanilang mga sinusubaybayan na mga artista. Ang internet ang isa sa mga pinakamahalagang daluyan ng impormasyon upang makita ang resepsyon sa K-pop. Ayon sa pag-aaral ni Jenkins (2006), ito ang nagbibigay daan sa mga tagapanood upang makilahok at makapasok sa kulturang ito. Bukod pa rito, mas napapatibay pa nito ang relasyon na nararamdaman ng mga tagapanood sa pagitan nila at ang mga artista o idol na pinapanood nila. Sinabi rin ni Leung (2012) na sa paraang ito, naiimpluwensyahan ng mga tagahanga ang produksyon, distribusyon, at resepsyon ng media.

Dahil dito, ipinapakita na sa pagtangkilik ng K-pop, nagkakaroon ng subkultura bilang tereyn ng tunggalian (Trinidad, 2018). Dahil nasususbaybayan ng mga tagahanga ang pang araw-araw na pamumuhay ng isang artista, nakakaramdam sila ng pagkalapit sa mga nakikita at napapanood nila. Sinabi rin ni Trinidad (2018) na ayon sa mga ideya ni Fiske, may mga tinatawag na “selecting” (pagpili) at “reworking” (pagmomodipika) na maaaring magbigay depinisyon para sa subkultura na nabubuo sa industriya ng K-pop. Nakikita ito sa pagpili nila ng mga aspeto sa industriya o kaya naman mga ideya at binabago nila upang maipasok at maging tugma ito sa kanilang sariling karanasan. Dahil dito, nakagagawa sila ng sarili nilang komunidad o subkultura base sa kanilang mga karanasan sa pagsubaybay sa industriya. Pumapasok ang tereyn ng tunggalian sa kung paano makipag-ugnayan ang mga tagahanga sa isang “fandom” o sa isang subkultura na umiiral sa industriya ng K-pop. Ang pundasyon para sa isang subkultura ay karaniwang batay sa mga pinagdaanan ng mga “fans” kasama ng mga artistang hinahangaan nila at nakakagawa sila ng sarili nilang identidad base sa magkakaparehong karanasan na ito.

Nakikita na ito ang paraan ng resepsyon ng mga tagapanood na malay sa mga karanasan ng mga artista sa industriya ng K-pop. Sa paraan ng paggawa ng isang subkultura, nasusuportahan nila ang mga hinahangaan nilang artista pagkatapos nilang makita ang mga hirap na naranasan ng mga ito sa industriya. Para sa mga artista, maitututring ang pagtanggap na ito bilang kapalit para sa mga paghihirap nila sa industriya na punô ng opresyon. Kaya naman matatag ang mga “fanbase” o ang mga subkultura na sumusuporta sa K-pop dahil maiuugnay ito sa pagsagot nila sa mga opresyon na naranasan. Kung gaano man kabigat ang naranasang opresyon, ito rin ang basehan sa pagbalik ng mga “fans” sa industriya.

Ngunit, paano naman tinatanggap ng mga karaniwang na tagapanood kapag hindi sila malay sa mga nangyayari sa loob ng industriya? Tinalakay ito ni Pacis (2012) sa kanyang pag-aaral ng K-pop sa Pilipinas. Ipinakita sa pag-aaral na sa ibang paraan tumatangkilik ang mga “fans” o tagapanood na hindi malay sa mga karanasan ng mga artista. Iba rin ang pag-unawa at kasanayan nila sa subkultura na kinabibilangan nila. Sinabi ni Pacis (2012) na ang interes, akses, at kakayahan ang masasabing mga paraan nila para makapasok at makilahok sa industriya.

Una, naaapektuhan ang pagtangkilik ng mga manonood base sa interes nila sa kultura ng industriya at ang pagkakatulad at pagkakaiba nito sa sariling kultura. Ikalawa, ang akses nila sa nasasabing industriya sa pamamagitan ng teknolohiya. Isang halimbawa para dito ang “Bboom Bboom” na kanta kung saan naging panlahat ang pakikinig sa kantang ito. Dahil dito, mas madaling makapagbigay ng tugon o opinyon tungkol sa isang aspeto ng industriya. Ikatlo, ang ekonomiya kung saan nabibilang ang isang tao. May kaugnayan ito sa paghanga ng mga tagapanood sa mga ganap sa industriya tulad ng mga produksyon na pinapakita at kung paano ito pinapakilala sa mga tagapanood.

 

III. Kultura at Subkultura na Nilikha ng K-pop

Ang Paghahati na Dulot ng Subkultura na Nabuo sa K-pop

Dahil sa kulturang nabubuo sa larangan ng K-pop, mas nagiging malapit ang mga tagahanga o ang mga “fans” sa industriya. Nakagagawa sila ng kanilang mga “fandom” o komunidad na nakatuon sa pagsuporta sa mga partikular na grupong K-pop. Hindi basehan ang kanilang lahi o ano mang itinalagang ideya sa isang tao ang pagiging kasali nila sa sa kulturang ito. Pipili lamang sila ng kanilang mga hahangaan at kusa silang nagiging bahagi ng kasanayang ito bilang isang komunidad na may mga pinagsamahang karanasan sa anyo ng K-pop.

Ngunit, kagaya ng pagkakaroon ng pagmamalabis sa produksiyon ng industriya, mayroong pagmamalabis din sa paghanga at pagsuporta nito. Nahahati ang kinabubuang kultura ng mga tumatangkilik sa K-pop sa mga subkultura na nakabatay base sa napipili nilang mga idolo, banda, o “genre”. Nagkakaroon ng tunggalian ang kultura at subkultura na ito sapagkat, dahil sa paraan ng pagmamalabis, nasa loob ng isang kultura na kumokonekta ng tao ang isang subkultura na hinihikayat ang pakikipagaway.  Maaaring mangyari ito sa pamamagitan ng “fandom” laban sa “fandom” o sa hindi etikal sa paghanga ng isa na ikagagalit ng iba.

Bilang pantapos, siguro, hindi kailanman natin maihihiwalay ang kulturang nagdudugtong sa subkulturang naghihiwalay. Sa pagdaan ng panahon, naging likas na ito sa isa’t isa. Ang pagrespeto na lamang sa mga kultura na tinatangkilik ng iba sa mga munti nating mga paraan ang ating magagawa. Maaari nating gawin ito sa simpleng pagpigil sa sarili na huwag manlait o sa nakapagpapataba ng pusong pagsubok at pagtikim sa mga kulturang ito na posibleng magustuhan at tangkilin mo rin.

Maraming salamat sa pagbabasa.

 

Sanggunian:
Blake, E. (2018). The Strength Of K-Pop Fandom, By The Numbers. Retrieved from https://www.forbes.com/sites/emilyblake1/2018/04/04/k-pop-numbers/#5a731f5048ab
Hallyu. (n.d.) Retrieved from http://phil.korean-culture.org/en/144/korea/46
Howard, K. (2011). Sun Jung: Korean Masculinities and Transcultural Consumption: Yonsama, Rain, Oldboy, K-Pop Idols. 221 pp. Hong Kong: Hong Kong University Press, 2011. ISBN 978 988 8028 66 5 (hardback), 978 988 8028 67 2 (paperback). Bulletin of the School of Oriental and African Studies, 74(3), 528-530.
Leung, S. (2012). Catching the K-Pop wave: globality in the production, distribution, and consumption of South Korean popular music.
Pacis, J. (2012). Popping the K-pop Bubble: A Study on the World of K-pop Fandom as a subculture. Diliman: University Of The Philippine. Diakses tanggal, 25.
Trinidad, A. A. I. (2018). Fandom, Fangirling, at Stan Culture. Katipunan ng mga Pag-aaral sa Wika, Panitikan, Sining at Kulturang Filipino, (3), 146-188.
Welsh, M., & Buckner, J. L. K-Pop Or K-Death? Korean Music and Entertainment Industry Seeks To Mirror 1940s Hollywood Contract System Oppression.
Williams Jolin, J. (2017). The South Korean Music Industry: The Rise and Success of ‘K-Pop’
Williamson, The dark side of South Korean pop music. Retrieved from https://www.bbc.com/news/world-asia-pacific-13760064
Wong, J. (2018). The punishing pressures behind K-pop perfection. Retrieved from https://www.cbc.ca/news/entertainment/kpop-hard-life-1.4545627